Thursday, 15 October 2015

Kuya Paciano Rizal


Si Paciano Mercado Rizal, ang kuya ni Jose Rizal, ay isa sa mga mahalagang katauhan sa ating kasaysayan. Ang kanyang kontribusyon sa himagsikan ay ipinakita niya sa pamamagitan ng kanyang mga gawain. Ipinanganak si Paciano noong 1851 bilang pangalawa sa labing-isang anak nina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo Realonda. Ang mga payo niya ang naging gabay ni Jose sa kanyang paglaki. Sobra ang pagmamahal ni Paciano sa nakababatang kapatid. Malaki ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan at talino nito.
Ang mga nasusulat tungkol sa buhay ni Paciano ay hindi mayabong sa detalye. Ang mga salaysay tungkol sa kanyang buhay ay kadalasang nakabatay sa mga pangyayari sa buhay ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal.  Gayunman, ang mga maliliit na bagay na nasulat tungkol sa kanya ay nagpapakita ng napakahalagang papel na ginampanan niya sa buhay ni Dr. Jose Rizal. Sinasabing noong mamatay si Jose, iniwan ni Paciano ang buhay bilang haligi ng pamilya upang sumali sa himagsikan. Dahil sa kanyang kakayahan at kagitingan, naabot niya ang ranggong Heneral sa hukbo ni Emilio Aguinaldo.

Ang mga nakatala ay naglarawan sa kanya bilang mapagmahal na kuya at magiting na tao. Dapat bang kilalanin siyang isang dakilang bayani, hindi bilang kapatid ni Jose Rizal ngunit bilang isang Paciano na may sariling katauhan, kagitingan at mahalagang ambag sa kalayaan at pagkamulat ng sambayanang Pilipino?   Kuya Paciano, ang simbolo ng pagpapaksakit para sa layuning higit sa sarili.

Katuparan ng Pag-ibig


Josephine Bracken

Walang masasabing katuparan sa pag-ibig si Dr. Jose Rizal kundi kay Josephine Bracken, isang dalagang lahing Irlandes, at anak-anakan ng isang inhinyerong Amerikano, na nagngangalang George Taufer na naninirahan sa Hongkong .May labingwalong taon noon si Josephine, maputi, balingkinitan ang kanyang katawan, bughaw ang mga mata, mapulang mangitim ngitim ang kanyang buhok at pangkaraniwan kung manamit. Dumating sila sa Dapitan kasama si Manuela Orlac, upang ipagamot ang nabubulag na mata ng kanyang ama-amahan. Sa unang pagkikita pa lamang nina Dr. Jose Rizal at Josepine ay nagkaibigan na sila. Paano’y naniwala siyang si Josephine ay hulog ng langit sa kanya, sa panahon ng kanyang pag-iisa. Sa tuwi tuwinang sila’y magkikita ay lalong nagiging mahalaga sa kanya ang ating bayani, at ito naman, sa tuwi tuwinang makakapanayam si Josephine ay lalo naman itong nagiging kaibig-ibig. Kaya’t di naglaon at sila’y nagkasundo. Nang magkasundo ang ating bayani at si Josephine ay nagbalak agad silang magpakasal kay Padre Obach, isang pari sa Dapitan, ngunit sinabi nyang humingi ng pahintulot sa Obispo ng Cebu, kaya naman naghawak kamay na lang sila at sila na ang nagkasal sa kanilang sarili.  Ang pagmamahal ni Dr. Jose Rizal kay Josephine ay ipinakilala sa isang sulat ng ating bayani sa kanyang ina  - sulat na niyari sa Dapitan.


Usaping “Retraksyon”

               Isang kontrobersyal na isyu ang retraksyon ni Dr. Jose Rizal. Kontrobersyal ito dahil hanggang ngayon ay usapin parin ito sa mga debate at wala pang malinaw na pagkakasundo sa kung ano nga ba ang totoong nangyari.
Sa ngayon, mayroong apat na bersyon ng sulat na  sinasabing pagpapatunay daw ng retraksyon ni Rizal:
• La Voz Española, December 30, 1896
· Sila ang nakapagsabing nabasa at nakita nga nila ang orihinal na kopya ng retraksyon
                · Pinadala daw sa arsobispo ito
· Sinabi nila ito kahit pati ang pamilya ni Rizal ay hindi naman nakita ang  retraksyon
• Bersyon ni Fr. Balaguer, January 1897
· Sinabi nya kay Fr. Pio Pi noong 1910 na nakatanggap sya ng kopya ng retraksyon na sulat ni Rizal na may pirma.
· Natanggap niya daw ang kopya noong gabing namatay si Rizal
· Pinadala niya kay Fr. Pio Pi upang husgahan o suriin kung si Rizal nga ba ang may sulat nito.
                                · Hindi rin nasabi ni Fr. Pi kung sya nga o hindi
                • “Original” text galling sa Archdiocesan Archives on May 18, 1935
                •  El Imparcial noong araw na namatay si Rizal – (short formula)
Mga Punto Laban sa Teksto ng Retraksyon
                • Dr. Eugene Hessel
Sa artikulong ito, may tatlong pangunahing argumento laban sa sinasabing retraksyon:
·  Ang usapin ng pagkatotoo ng teksto
Maaari kasi na ang mga teksto ay gawa-gawa lamang o mga insidente ng pamemeke ng lagda
· Ang hindi pagsang-ayon ng ilang detalye ng retraksyon sa iba pang pangyayari noong panahong iyon
Makikita ang pagkakaiba ng mga lumitaw na retraction note, di magkakatugma o inconsistent ang mga ito pagdating sa mga salita
· Ang usapin ng di pagtugma ng retraksyon sa karakter mismo ni Rizal.
                 Idinagdag pa ni Hessel na sa huli, nagkumpisal din ang nameke ng dokumentong ito. Sang-ayon sa isang panayam ni Runes kay Antonio K. Abad, isang Roman Roque ang binayaran ng mga prayle upang gumawa ng mga kopya ng retraction note. Bukod sa kuwestiyonable na ang pagkatotoo ng dokumento, maaari ring tingnan na ang dokumento ay di sang-ayon sa iba pang detalye hinggil sa pagkamatay ni Rizal. Ang dokumento ng retraksyon ay hindi lumitaw hanggang noong 1935 na kahit ang mga kapamilya ni Rizal ay hindi ito nakita. Ayon pa kay Hessel, kung totoo ngang bumaliktad si Rizal at binawi ang kaniyang mga naunang sinulat, bakit hindi siya naligtas sa sentensiya ng kamatayan? Bakit siya inilibing sa libingan ng mga Intsik? Bakit walang dokumento ng pagpapaksal nina Rizal at Josephine Bracken gayong isa ito sa mga bagay na nagawa sana niya kung siya nga ay lumagda sa retraksyon?
Habang dumadami ang mga babasahin at akdang kaugnay ng pagpapatotoo o pagpapasinungaling sa retraksyon ni Rizal, naniniwala akong hindi parin patuloy na magsasara ang usapang ito. Sumasang-ayon ako kay Hessel, na bukod sa malaki ang posibilidad ng pagpepeke sa dokumento, malayong-malayo sa pagkatao ni Rizal at sa kalagayan niya noong gabing iyon bago siya barilin ang lumagda at itatwa ang lahat ng kaniyang mga sinulat at ipinahayag.
Nag-retrak man o hindi, sang-ayon din ako kay Hessel sa sinabi niyang si Rizal ay si Rizal parin. Hindi na mababago ang kasaysayan na siya’y sumulat ng mga nobela at naging malaking bahagi ang kaniyang pagkamatay upang patunayan sa ibang lahi na tayo ay Filipino at buhay sa dugo natin ang pagkamakabayan.

Friday, 9 October 2015

"Rizal bilang Mangingibig" 
     Sa bawat bansang kanyang napuntahan habang naglalakbay, maraming babae ang nagpatibok ng kanyang puso. Niligawan, minahal, naging inspirasyon at lunas sa kanyang nadaramang pangungulila at kalungkutan sa pagkakalayo sa kanyang mga mahal sa buhay. Ngunit karamihan sa mga pag-ibig ni Dr. Jose Rizal ay hindi namukadkad. At sa kabila ng mga naranasan niya sa pag ibig, sa huli ay naging sila ni Josephine Bracken. At isa sa tanda ng malaking pagmamahal ni Rizal kay Josephine ay ang pag-aalay ng isa niyang tulang sinulat para sa kanyang kabiyak ng puso. “ Josephine, Josephine na nagmula sa ibang bayan, upang hanapin ang pugad at tahanan, katulad ng langay-langayang namamasdan, kung sa palad ngayon, ika'y mapadalaw, sa Japan, sa China at maging sa Shanghai, sa pasigang ito'y hindi kita malilimutan, at sa iyo'y isang puso ang lagi nang nagmamahal!”
"Rizal Bilang Tao"
      Agad nating mapapansin kay rizal na isa siyang mapagmahal na tao higit lalo na sa kanyang pamilya. Malaki ang impluwensya ng mga taong nakapaligid sa kanya upang mahubog ang kanyang pagkatao. Mapapansin din nating ang kanyang hilig at pagbibigay halaga sa edukasyon – susi sa matagumpay na buhay. Ito ang humubog sa kanyang mga paniniwala at prinsipyo sa buhay na kanyang pinanghahawakan at naging sandata sa pagharap sa bawat pagsubok ng buhay. 
 “PAMBANSANG BAYANI”
      Ang pagiging bayani ay sadyang kahanga hanga. Ang ganitong klase ng parangal ay marapat lang na ibigay sa isang taong naglingkod sa bayan ng walang pag aalinlangan at nagpamana sa lahing Pilipino ng mga aral na nagpapatuloy sa ngayon, bukas at magpakailanman. Siya ay isang huwarang Pilipino pagdating sa paglilingkod sa bayan, bilang isang mamamayan na marunong lumaban sa mga mapang-api sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Matalino ang ating pambansang bayani sapagkat sa pamamagitan ng pagsulat ay nagawa niya na maipagtanggol ang ating bayan. Ang bawat isa ay maaaring maging bayani katulad niya. Maaring hindi siya mahigitan ninuman sa kasalukuyan, ngunit ang mahalaga ay ang maging kaisa niya pagdating sa isip, sa salita at sa gawa para sa kabutihan ng ating bayan.